Interpol gagamitin para maibalik sa Pinas si Roque

MANILA, Philippines — Matapos na ilabas ang warrant of arrest ng korte, balak ng pamahalaan na hingin ang tulong ng International Police Organization (Interpol) para maibalik dito sa bansa si Atty. Harry Roque na kasalukuyang nasa Netherlands.
Si Roque ay may mga kasong qualified human trafficking kasama si Cassandra Ong at 48 iba pa matapos madiskubre ang scam hub sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na nabanggit ni Undersecretary Nicky Ty ng Department of Justice na makikipag-ugnayan sila sa Interpol upang mapabalik sa bansa si Roque.
“Abangan na lang po natin kung ano man ang magiging reaksyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng DOJ,” pahayag ni Castro.
Iginiit ni Castro na hindi maaaring isangkalan ni Roque ang kaniyang dahilan na hindi ito maaaring arestuhin ng Interpol dahil mayroon pa itong pending na application para sa political asylum.
Ito ay dahil mayroong warrant of arrest laban kay Roque at mayroong kasong kinakaharap dito sa Pilipinas.
Ang kailangan ay patunayan aniya ni Roque ang depensa nito na political harassment ang ginagawa ng gobyerno sa kaniya dahil kung walang basehan ang kasong isinampa laban sa kaniya ay hindi sana ito naisyuhan ng warrant of arrest ng korte.
“Eh kung mayroon naman pong valid warrant of arrest at may kaso siyang dapat kaharapin, hindi siya dapat magtago sa kanyang petition for asylum,” dagdag pa ni Castro.
Matatandaang si Roque at iba pang kapwa akusado sa non-bailable case na qualified human trafficking, ay una nang inisyuhan ng Angeles City Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest.
May kinalaman ang kaso sa umano’y ilegal na aktibidad ng Lucky South 99, na isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga na ipinasara ng pamahalaan.
Si Roque ay lumabas ng bansa matapos maugnay ang pangalan nito sa POGO.
Kasalukuyang nasa The Netherlands si Roque at humihingi ng political asylum doon.
- Latest