Proklamasyon ni de Lima bilang congresswoman, tuloy – Comelec

Kahit binawi ng CA acquittal
MANILA, Philippines — Tuloy ang proklamasyon ni dating Senadora Leila de Lima, bilang first nominee ng Mamamayang Liberal (ML) partylist, na kabilang sa mga grupong nagwagi sa katatapos na May 12, 2025 partylist race.
Ito’y sa kabila nang pagbaligtad ng Court of Appeals (CA) sa desisyon ng mababang hukuman na i-acquit o ipawalang-sala ang dating senadora sa kinakaharap niyang drug case.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, wala silang nakikitang dahilan upang suspindihin ang napipintong proklamasyon ni de Lima.
Ipinaliwanag pa ni Garcia na hindi pa naman ‘convicted with finality’ si de Lima, na maaaring pumigil sa kanya sa paghawak ng isang posisyon sa gobyerno kaya’t walang epekto ang desisyon ng Appellate Court sa kanyang proklamasyon.
“It has no effect on the proclamation of the partylist and that personality,” dagdag pa ng poll chief.
Matatandaang nitong Huwebes, nagpalabas ng ruling ang CA-8th Division at binaligtad ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na nagpapawalang-sala kay de Lima sa kinakaharap na drug case.
Si de Lima ang unang nominado ng ML na nakakuha ng botong 547,949.
Itinakda na ng Comelec ang proklamasyon ng mga partylist groups na nagwagi sa halalan sa ?Lunes, Mayo 19.
- Latest