Pinoy climber, namatay sa tangkang umakyat sa Mount Everest
MANILA, Philippines — Isang 45-anyos na Pinoy ang naiulat na namatay sa kanyang pagtatangka na umakyat sa Mount Everest sa Nepal.
Base sa ulat ng The Himalayan Times, nasawi si Philipp “PJ” Santiago II, na naitala bilang unang dayuhang climber na namatay ngayong climbing season.
Sinabi ni Bodhraj Bhandari, Managing Director ng Snowy Horizon Treks, namatay si Santiago pagkarating sa Camp 4 habang naghahanda para sa pagtulak sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa mundo noong Mayo 14. Ang kampo ay may taas na 26,000 talampakan. Ang tuktok ng Mt. Everest ay 29,031 ft.
Sinabi ng Times na si Santiago ay bahagi ng Mountaineering Association of Krishnanagar-Snowy Everest Expedition 2025.
Ayon sa ulat, si Santiago ay lumipad sa Nepal noong Abril kasama ang kanyang pinsan at isang miyembro ng kanyang support staff, si Karl Santiago, upang subukan ang Everest.
Huli siyang nakitang buhay sa Camp 4 kung saan siya ay naghahanda para sa huling pag-atake sa summit.
Batay sa Himalayan Database, 340 climbers ang namatay mula noong 1921 hanggang Setyembre 2024. Si Santiago ang unang dayuhan na namatay ngayong 2025.
Ang kanyang mga labi ay hindi pa ibinaba mula sa bundok at hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng kanyang pagkamatay.
- Latest