Hiling ni Quiboloy na manual recount, ibinasura ng Comelec

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang hiling ng kampo ng detenidong si Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder at Pastor Apollo Quiboloy na pagsasagawa ng manual recount ng mga boto sa katatapos na 2025 midterm polls.
Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi ito itinatakda ng batas.
Ayon pa kay Garcia, ang paglulunsad ng isang election protest ang tanging paraan upang magkaroon ng isang manual recount.
Nauna rito, sinabi ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel at tagapagsalita ni Quiboloy, na ang Comelec ay may motu proprio powers para magsagawa ng manu-manong recount sa mga boto kahit walang magpetisyon para dito.
Dagdag pa ng abogado, ang manu-manong pagbibilang ng boto sa precinct level ay nakamandato sa Section 31 ng Republic Act 9369 o The Election Automation Law.
Bilang tugon, sinabi naman ni Garcia na bilang mga abogado ay mayroon silang kani-kaniyang interpretasyon sa batas.
“So if our automated election would have that kind of feature (manual recounting), the law should change. The law should prescribe as to how we would do that. Otherwise, after the elections, the Constitution itself said, the best course is election protest,” paliwanag pa ni Garcia.
- Latest