Bong Go, umabot sa higit 27 milyon ang boto
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng halalan sa bansa, nakakuha ng mahigit 27 milyong boto ang isang nangungunang kandidato sa pagka-senador sa katatapos na May 12 midterm elections.
Batay sa isinagawang canvassing ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), nakakuha si re-electionist Sen. Christopher Bong Go ng botong 27,121,073 sa final and official tally.
Ito ang pinakamataas na boto na nakamit ng isang kandidato sa pagka-senador ng bansa.
Nabatid na noong 2022 presidential elections, nakakuha lamang ang nangunang kandidato sa pagka-senador na si Sen. Robinhood Padilla ng botong 26,612,434 habang si Sen. Cynthia Villar ay 25,283,727 nang manguna sa 2019 polls.
Nasa 18,607,391 naman ang botong nakuha ni dating Sen. Franklin Drilon noong 2016 elections habang si Sen. Grace Poe ay mayroon lamang 20,337,327 votes noong 2013 polls.
Samantala, mahigit anim na milyon naman ang lamang ni Go sa pumapangalawa sa kanya sa bilangan na si dating Sen. Bam Aquino na may boto lamang na 20,971,899.
Nananatili naman sa ikatlong puwesto si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na may botong 20,773,946 at pang-apat si Cong. Erwin Tulfo na may botong 17,118,881.
Kasama rin sa Magic 12 sina dating Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan (15,343,229); Cong. Rodante Marcoleta (15,250,723); dating Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson (15,106,111); dating Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III (14,832,996); Sen. Pia Cayetano (14,573,430); Cong. Camille Villar (13,651,274); Sen. Lito Lapid (13,394,102) at Sen. Imee Marcos (13,339,227).
Target ng Comelec na maiproklama ang mga bagong senador ng bansa bukas, Sabado, Mayo 17.
- Latest