VP Sara suportado batas sa political dynasty

MANILA, Philippines — Suportado ni Vice President Sara Duterte ang panukalang magbabawal ng pagkakaroon ng political dynasty sa Pilipinas.
Ito’y sa kabila nang galing siya sa kilalang angkan ng mga politiko sa bansa.
“Ako yung may pinakamalaki at solid ang kredibilidad to speak about political dynasty because I come from a political dynasty, so wala nang mas matindi pang expert sa political dynasty,” ani VP Sara.
“Susuportahan ko ba ang batas na anti-political dynasty? Yes. Kung bibigyan nila ako ng pagkakataon, ako yung susulat. Ako yung pinakamagaling sa political dynasty,” dagdag pa niya.
Sinagot din ni VP Sara ang tanong ng mga mamamahayag kung ilan ba dapat ang miyembro ng bawat dynasty, sa kanyang gagawing proposal.
“Hindi ko pa sinusulat pero pag binigyan niyo ako ng chance, ako susulat niyan,” aniya.
Aminado naman siya na sa ngayon ay hindi pa nila natatalakay sa kanilang pamilya ang kaniyang paninindigan hinggil sa political dynasty dahil abala sila bunsod ng patuloy na pagkakadetine ng kanilang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte sa The Netherlands.
Nitong katatapos na halalan, nadagdagan pa ang miyembro ng pamilya Duterte na nakaupo sa pamahalaan.
Bukod kay VP Sara, manunungkulan si FPRRD bilang alkalde ng Davao City habang bise alkalde niya ang bunsong anak na si Sebastian.
Si Cong. Paolo Duterte at kanyang anak na si Omar, ay nahalal naman bilang mambabatas ng una at ikalawang distrito ng Davao.
- Latest