12 waging senador target iproklama sa Mayo 17

MANILA, Philippines — Maaari umanong sa weekend ay maiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 winning senators para sa Eleksyon 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa ?Sabado, Mayo 17, ang pinakamaaga nilang target na makapagsagawa ng proklamasyon.
“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” ani Garcia.
“Mabilis naman eh. Tingnan niyo 98.9% na nga ang nandyan, kapiraso na lang ang kulang. Kahit siguro wala yung kulang basta maipadala sa amin sa national board perhaps baka wala ng effect ang natitirang results. Pero syempre kailangan ang Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang maiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” dagdag pa niya.
Matatandaang hanggang nitong Martes ng tanghali, o isang araw matapos ang halalan, nasa 98.99% na ang nai-transmit na local election returns (ERs) sa Comelec transparency servers. Ito ay 92,453 ng 93,387 na inaasahang total ERs.
Nag-convene namang muli ang Comelec, na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), nitong Martes ng hapon upang ipagpatuloy ang canvassing ng mga boto sa pagka-senador at party-list groups sa katatapos na midterm polls sa bansa.
- Latest