Totoong oposisyon sa Senado, Kamara lumalakas na - Risa

MANILA, Philippines — Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na lumalakas na ang totoong oposisyon sa Senado at Kamara base sa resulta ng halalan nitong Mayo 12.
“Hindi ito simpleng “comeback”. Pinapatunayan lamang ng halalang ito na hangad pa rin ng masang Pilipino ang pamahalaang may puso, may prinsipyo, at may tapang manindigan,” ani Hontiveros.
Ibinigay na halimbawa ni Hontiveros ang makasaysayang tagumpay ng Akbayan partylist na resulta aniya ng pagkilos ng taumbayan.
“Ang makasaysayang tagumpay ng aking minamahal na Akbayan Partylist ay bunga ng tiwala at pagkilos ng taumbayan. Once more, the Filipino people have brought Akbayan to the top of a very hard fought partylist race,” ani Hontiveros.
Nagpasalamat si Hontiveros sa mga bumoto sa Akbayan partylist.
Partikular na pinasalamatan din ni Hontiveros ang mga kabataang botante na para sa kanya ay nagsilbing “game-changer.”
Inaasahan na muling makakasama ni Hontiveros sa minorya sa Senado sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino.
Binanggit din ni Hontiveros ang tiyak nang pagpasok ni dating Senator Leila de Lima sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magiging kinatawan ng Mamamayang Liberal Partylist.
Tiniyak ni Hontiveros na titindig ang oposisyon sa Senado at maging sa House.
- Latest