OCTA: Mga survey ‘di bolang kristal
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng OCTA Research Group na ang aktuwal na resulta ng halalan ay hindi kayang i-predict ng mga isinasagawang poll surveys.
Ang pahayag ay ginawa ni OCTA Research Fellow Ranjit Rye kasunod na rin nang nakabibiglang partial results ng katatapos na 2025 National and Local Elections sa Pilipinas kahapon.
Ayon kay Rye, mayroong margin of errors ang mga surveys at hindi rin ito isang bolang kristal na kayang hulaan ang magiging aktuwal na resulta ng halalan.
Sa halip aniya, ang survey ay ‘snapshot’ o maliit na larawan lamang ng isang partikular na oras, kung kailan isinagawa ang survey.
“Surveys are not a crystal ball. They are not a guarantee and they are really just a snapshot of that particular time,” dagdag pa ni Rye.
Matatandaang marami ang nagulat nang manguna sa partial at unofficial results ang ilang kandidato sa pagka-senador na hindi naman pumapasok sa Top 5 ng mga isinasagawang surveys.
Pangunahin na rito sina dating Sen. Bam Aquino at dating Sen. Francis Pangilinan.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Social Weather Stations (SWS) chairman emeritus Dr. Mahar Mangahas na ang resulta ng halalan ay patunay na lamang ng kasabihan na “anything can change.”
- Latest