300 voting machines pumalya

MANILA, Philippines — Mahigit 300 automated counting machines (ACMs) ang iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nagkaaberya sa kasagsagan nang pagdaraos ng May 12 midterm elections kahapon.
Sa isang pulong balitaan kagabi, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na nasa 311 ACMs ang nagkaaberya sa katatapos na halalan.
Gayunman, ang naturang bilang ay mas mababa kumpara sa 2,500 ACMs na nagkaaberya sa pagdaraos ng 2022 presidential elections.
Kalimitan sa naging problema ng mga makina ay ang pag-reject nito ng mga balota. Naging isyu rin ang mga takip ng mga ACMs, scanner nito, screen, at iba pa.
Pagdating naman aniya sa mga natanggap nilang ulat hinggil sa hindi pagtutugma ng mga resibo mula sa balota ng mga botante, sinabi ni Garcia na wala pa silang matibay na ebidensiya rito.
Paliwanag ni Garcia, napakalaki ng posibilidad na nakalimutan lamang ng mga botante kung sino ang ibinoto nila o di kaya ay nagkamali ang mga ito sa pagboto sa kanilang balota.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia na kaagad nilang pinalitan ang mga naturang nagkaaberyang ACMs para mas mapabilis ang pagdaraos ng halalan.
“16,000 ang contingency natin. In fact nung 2022, umaga pa lang 2,500 na makina na ang pinapalitan. Of course, mga lumang makina yan. Ang sa amin preventive measure, kahit di pa sira ang makina pero nagpapakita na ng indication, pinu-pull out na agad,” ani Garcia.
Samantala, kinumpirma ni Garcia na wala silang naitalang anumang ‘failure of elections’ sa alinmang panig ng bansa, sa idinaos na midterm polls kahapon.
Nangangahulugan ito na naging matagumpay at mapayapa sa kabuuan ang katatapos na halalan sa bansa.
“Wala po tayong failure of elections whatsoever,” ani Garcia. “Lahat naman po ay nag-function.”
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Garcia ang lahat ng Comelec personnel dahil sa pagdaraos ng 2025 National and Local Elections (NLE).
Ipinaliwanag pa ni Garcia na ang ibig sabihin ng failure of elections ay hindi dumating ang mga gamit, hindi dumating ang mga teacher at nagresulta ito sa kabiguang magkaroon ng botohan.
Samantala, dahilan sa mga report ng pagpalya ng mga ACMs, hinikayat ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang Comelec na iimplementa ang manual ballot counting sa lahat ng mga polling precints sa buong bansa.
Ayon kay Brosas, ito’y upang mabilang na mabuti ang mga boto kaugnay ng mga pag-alala sa kredibilidad ng sistema ng automated election.
Nagpahayag ng pagkabahala si Brosas sa paggamit ng bersiyon ng 3.5 ng ACM software sa isinagawang Final Testing and Sealing (FTS) sa halip na ang sertipikadong bersiyon ng 3.4 na sumailalim na sa lokal na source code review at ebalwasyon ng internasyonal na 3rd party. — Joy Cantos
- Latest