Comelec, nakapagtala ng 90 pecent voter turnout sa local absentee voting

MANILA, Philippines — Umabot sa 90% ang voter turnout sa idinaos nilang local absentee voting (LAV) para sa May 12 midterm polls.
Ayon kay Comelec Director Atty. Allen Francis Abaya, nasa 51,991 mula sa kabuuang 57,000 na nagpatalang local absentee voters ang bumoto para sa LAV.
Ani Abaya, ang LAV voters ngayong taon ay mas mababa kumpara sa 2022 presidential elections.
Gayunman, inaasahan na aniya nila ito dahil mas marami talagang bumoboto sa pampanguluhang halalan sa bansa.
Sa kabila nito, mas mataas naman ang bilang ng mga bumoto ngayong midterm polls, kumpara sa 2019 midterm polls.
“During the last 2022 presidential elections, it was higher, it reached around 70,000 out of 80,000 absentee voters we approved. Now, we approved 57,000 for LAV and the actual turnout is 51,000. The 2019 figures were lower,” dagdag pa niya.
Idinaos ang local absentee voting mula Abril 28, 29 at 30 ngunit sinimulan lamang bilangin ang mga naturang boto alas-6 ng umaga kahapon, election day, sa pamamagitan ng automated counting machines (ACMs).
Kabilang sa mga eligible para makaboto sa LAV ay mga miyembro ng media, pulis at militar na hindi maaaring bumoto sa mismong araw ng halalan dahil sila ay naka-deploy at naka-duty.
- Latest