Bong Go sa mga botante: Comelec precinct finder, gamitin para ‘di maabala
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang lahat ng rehistradong botanteng Pilipino na i-access ang online precinct finder ng Commission on Elections (Comelec) upang matiyak ang maayos na pagboto sa araw ng halalan.
“Ang paggamit natin sa ating karapatan na bumoto ay ang tunay na diwa ng demokrasya. Maghanda tayo at maging responsable at maging maalam sa kung ano ang dapat gawin upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan,” sabi ni Go.
Ang Comelec Precinct Finder ay isang paraan para sa mga rehistradong botante na hanapin at beripikahin ang kanilang mga polling precinct, pati na rin ang katayuan ng kanilang rehistrasyon bilang botante.
Ito ay maaaring i-access sa website ng Comelec.
Binibigyang-diin ng senador na mahalagang maghanda nang maaga upang matiyak ang walang abala na karanasan sa pagboto, lalo na para sa mga unang beses na bumoboto, mga taong may kapansanan, at mga nakatatanda.
Nanawagan din si Go sa local government units at mga opisyal ng barangay na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon sa kanilang mga tao o tulungan sila lalo na ang mga naninirahan sa mga liblib na komunidad.
- Latest