Salceda: Phivolcs Modernization Act, pamumuhunang ligtas buhay, lalo na sa Albay
MANILA, Philippines — Ang Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) Modernization Act na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bilang RA 12180 ay isang natatanging pamumuhunan para sa mga Pilipinong nakatira malapit sa mga bulkan, ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda.
Para sa Albay, sadyang napakahalaga ang naturang batas. Nasa Albay ang Mount Mayon, ang pinakamagandang bulkan sa mundo na sumasabog at nananalasa sa lalawigan tuwina. Sa karatig na Sorsogon, sumabog din nitong nakaraang Abril 28 ang Bulusan Volcano. Ang Pilipinas ay tadtad ng 24 na mga aktibong bulkan.
Si Salceda ang pangunahing may-akda sa Kamara ng Phivolcs Modernization Act. Ayon sa kanya, ang malimit na banta ng Mayon sa mga Albayano ay isa sa mga inspirasyon niya para masigasig na isulong ang RA 12180. Lilikhain nito ang ‘Phivolcs Modernization Fund’ para pondohan ang pagbili ng makabagong mga instrumento, kagamitan, pasilidad at teknolohiya kaugnay sa lindol, bulkan, tsunami o malahiganteng alon ng dagat, at pagbigay ng mga babala tungkol sa mga ito.
Itinuturing na napakahalaga ang modernisasyon ng Phivolcs na naging instrumento sa pagligtas sa buhay ng mga Albayano sa maraming dekada, sabi ni Salceda na magtatapos ang 9-taon niyang turno sa Kamara sa darating na Hunyo. Bumabalik siya ngayon sa pagka-Gubernador ng Albay na pinagsilbihan niya rin ng siyam na taon hanggang 2016.
Layunin ng RA 12180 na itaas ang antas ng kakayahan ng bansa sa pagtaya at pagbigay ng akmang oras ng babala tungkol sa mga parating na lindol, pagsabog ng bulkan, tsunami at iba pang likas na panganib.
“Pinasasalamatan ko ang Pangulo sa pagbigay niya ng kaganapan sa batas na ito,” dagdag ni Salceda na nagsilbing gubernador ng Albay noong 2007 hanggang 2016, kung kailan kinilala siya sa nagawa niyang pagtalaga sa Albay bilang modelo sa ‘zero-casualty disaster preparedness,’ at pagtatalaga ng mga ‘pioneering protocols for evacuation, hazard mapping, and community-based early warning systems.’
Sa pagbabalik niya sa pagka-gubernador ng Albay, isinusulong ni Salceda ang kanyang programang ‘Global Albay’ na ayon sa kanya ay katumbas ng ‘Global Preparedness.’
Ibinibigay ni Salceda ang malaking bahagi ng kredito ng kanilang nagawa sa pagtutulungan nila ni Dr. Renato Solidum, na noon ay Director ng PHIVOLCS at kasalukuyang Kalihim ng ‘Department of Science and Technology (DOST).’ “Matagumpay naming nagawa ni Secretary Solidum na maging ligtas ang Albay sa maraming pagsabog ng Mayon, mga lindol at baha ng lahar,” dagdag ni Salceda.
Habang ipinagdiriwang ang pagsabatas sa RA 12180, nanawagan muli si Salceda na sana ay malikha na rin ang ‘Department of Disaster Resilience’ (DDR) na panukala din niya upang mapagsama-sama sa isang kawanihan ang hiwa-hiwalay na mga ahensiyang pangtugon sa mga kalamidad na malimit manalasa sa bansa.
- Latest