Ex-mayor na veteran journalist, itinumba sa bahay!

MANILA, Philippines — Napatay matapos pagbabarilin ang isang dating Mayor at beteranong mamamahayag ng armadong salarin sa loob ng tahanan nito sa kapitolyo ng Kalibo, Aklan nitong Martes ng gabi.
Sa report ng Kalibo Police, kinilala ang biktima na si Juan “Johnny“ Dayang, 89-anyos, residente sa Brgy. Andagao, Kalibo.
Si Dayang ay dating alkalde ng Kalibo, naging Pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI), dating reporter at kolumnista ng Balita at Tempo sa ilalim ng Manila Bulletin Publishing Corporation.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Rafael Tumbokon Memorial Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan partikular na ang dalawang tama sa kaniyang likuran. Nagsilbi siyang mayor ng Kalibo mula Marso 1986 hanggang Enero 1987.
Bandang alas-8:30 ng gabi, ayon sa pulisya nang mangyari ang insidente.
Habang nanonood ng telebisyon si Dayang sa loob ng kaniyang tahanan nang biglang dumating ang naka-helmet na suspek at nakasuot ng itim na jacket.
Armado ng hindi natukoy na kalibre ng armas ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang nasorpresang biktima na duguang napalupasay sa kanyang tahanan. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang ‘di kilalang suspek na tinutugis ng mga awtoridad.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Col. Jean Fajardo, bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa mabilisang ikareresolba ng kasong pagpatay kay Dayang at sa ikaaresto ng suspek.
Kinondena ni Fajarado ang insidente at sinabing masusi nang iniimbestigahan ang kaso.
Samantala, mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang pagpatay kay Dayang.
“We are closely coordinating with all concerned agencies to ensure the immediate resolution of this case,” pahayag ni PTFOMS Executive Director at Undersecretary Jose Torres Jr.
“We stand in solidarity with the media community as we mourn the passing of Mr. Dayang, a figure regarded as a pillar of Philippine journalism whose contributions greatly enriched our democratic discourse,” ayon pa kay Torres.
- Latest