Naarestong ‘Chinese spy’ sa Comelec, pakikialam ng dayuhan sa halalan

MANILA, Philippines — Sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ang pag-aresto sa isang Chinese national na umano’y may dalang surveillance equipment malapit sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila ay nagpapatunay sa mga naunang babala na panghihimasok ng mga dayuhan sa paparating na halalan.
Ang “Chinese spy” ay inaresto ng National Bureau of Investigation nitong Martes. Natagpuan ang Spy equipment sa sasakyan ng suspek na nakaparada sa labas ng main office ng Comelec sa Intramuros.
Sinabi ni Tolentino na ang pagkakatuklas sa isang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher sa loob ng sasakyan ng suspek ay direktang ebidensiya ng patuloy at mga tagong operasyon ng Tsina.
Sinabi rin niya na ang development na ito ay nagpapatunay sa findings ng Senate inquiry noong nakaraang linggo, kung saan nalantad ang pagsisikap ng China na makialam sa mga demokratikong proseso ng Pilipinas.
“The arrest reinforces what we revealed -- that there is an active attempt to undermine our elections,” sabi ni Tolentino kaya pinuri niya ang National Bureau of Investigation (NBI) sa “timely and critical action” nito na malansag ang aniya’y “insidious plan” pabor sa adyenda ng Beijing.
Ayon kay Tolentino, punong may-akda ng Senate Bill No. 2951 o ang iminungkahing Counter Foreign Interference Act, isinusulong niya ang mas malalakas na batas para gawing moderno ang luma nang anti-espionage framework ng bansa na mula pa noong panahon ng Commonwealth.
- Latest