New Zealand troops sasabak sa military war games sa Pinas
MANILA, Philippines — Sasabak na rin ang tropa ng New Zealand sa military drills sa counterpart nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod naman ng pagpapatibay sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa nasabing bansa nitong Miyerkules.
Ito’y kasunod ng paglagda nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at New Zealand Defense Minister Judith Collins na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang.
Sa hiwalay na press briefing sa Shangri-la Hotel sa Makati City, sinabi ni Teodoro na isa ito sa mga layunin ng nilagdaang tratado.
“Definitely that’s why we signed the SOVFA to enable interoperability to be exercise and enhanced between New Zealand Armed Forces and Armed Forces of the Philippines (AFP),” pahayag ni Teodoro.
Ayon kay Teodoro, ang pagkakasa ng military exercise sa New Zealand ang susunod na hakbang matapos maratipikahan ng Senado ang SOFVA.
Binigyang diin ni Collins na ang nasabing deal ay nagtatakda ng legal na pamantayan para sa pagsasagawa ng dalawang magkaalyadong puwersa ng military exercises para sa mas maayos na kooperasyon, aktibidad at pagsasanay sa teritoryo ng dalawang magkaalyadong bansa.
Ang SOVFA ng Pilipinas sa New Zealand ay kahalintulad ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Philipinas at Amerika.
- Latest