Pangulong Marcos sa PNPA graduates: ‘Maging marangal, kahit walang parangal’

MANILA, Philippines — “Piliin ang marangal, kahit walang parangal, at ang paninindigan na tama kahit walang nakakakita”.
Ito ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNPA) Class 2025 Sinaglawin na nagsipagtapos kahapon sa Camp General Mariano N. Castañeda, Silang, Cavite.
Sa kanyang talumpati, binilinan ng Pangulo ang mga bagong opisyal ng PNP na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin at iparamdam ang kanilang presensiya sa publiko.
Hindi anya lingid sa publiko na may mga pulis na nasasangkot sa kontrobersiya at madaling maligaw ang katapatan kaya hiniling ng Pangulo sa mga bagong graduates ng PNPA na piliin ang maging marangal at palaging manindigan sa tama.
“My dear officers this country will never ask you to be perfect, but it will ask you to be present, be there let our peoples feel your presence, feel the presence of their law enforcer, feel the presence of the law,” pahayag pa ng Pangulo.
Hinamon din ni Marcos ang mga bagong nagtapos sa akademya na ito na ang kanilang pagkakataon upang ipakita ang kanilang kaibahan at kahandaan sa pagharap sa kanilang bagong tungkulin.
May pagkakataon aniya na ang kanilang mga paniniwala ay tila hinihila sa magkakaibang direksyon at susubukan ang kanilang katatagan at paninindigan.
Sa kabila nito, nanalig pa rin si Marcos na ang mga bagong graduate ng PNPA Class 2025 ang lilinis, magpapatatag ng propesyunalismo sa hanay ng mga pulis.
Nanguna naman sa mga nagtapos si Police Cadet Marc Joseph L. Vitto mula sa Oriental Mindoro bilang class valedictorian, at siya ang tumanggap ng Presidential Kampilan Award, Journalism Kampilan Award at Plaque of Merit sa pagiging number 1.
Ang Sinaglawin Class of 2025 ang kauna-unahang batch sa kasaysayan na magiging fully-commissioned bilang Police Lieutenants ng PNP, kasunod ng implementasyon ng Republic Act 11279, na naglalagay direkta sa PNPA sa ilalim ng PNP at tinuldukan ang dating nakagawian na pagtatalaga sa mga bagong graduates sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology.
May kabuuang bilang na 206 ang nagtapos na magiging bagong opisyal ng pulisya, 38 dito ay mga babae at 168 ang mga lalaki.
- Latest