VP Sara sinopla ng Palasyo sa pagkwestyon sa P20 bigas

MANILA, Philippines — Sinopla ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte dahil sa pagkwestyon nito sa timing nang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas, ilang linggo bago ang midterm elections sa May 12.
Giit ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang timing ang pagbibigay ng ayuda sa politika, at ito ay ibibigay sa taong nangangailangan lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Dagdag pa ni Castro, walang kinalaman ang pulitika sa pagbebenta ng P20 per kilo ng bigas at ginagawan lamang ng malisya ng iba upang magkaroon ng negatibong epekto ang programa ng gobyerno para sa murang bigas.
Hanggang kaya ng gobyerno, sinabi ni Castro na ibibigay ang tulong sa pinakamaagang panahon at wala aniyang pulitika sa hakbanging ito.
Sinabi pa ni Castro na hindi magagawa lamang sa isang kumpas ng kamay ang P20 per kilo rice program dahil kailangang dumaan ito sa masusing pagsusuri at masigurong maayos at pulido ang implementasyon nito.
- Latest