Torture, rape posibleng ikarga rin ng ICC vs Duterte

MANILA, Philippines — Posibleng madagdagan pa ang mga kasong kinakaharap ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon kay ICC-accredited Filipino lawyer Gilbert Andres, na kinakatawan ang ilan sa mga biktima.
Kabilang sa posible aniya na maisama sa paglilitis kay Duterte ang mga kaso ng rape at torture.
“The confirmation of charges is the process wherein the prosecutor will actually define the boundaries of the charge against the suspect. So it’s still possible to include torture, still possible to include rape,” pahayag ni Andres.
Noong Pebrero ay naghain ang Office of the Prosecutor ng ICC ng aplikasyon para sa arrest warrant laban kay Duterte na naglalaman ng 45 kaso ng pagpatay, 4 kaso ng torture, at 3 kaso ng rape, na ayon sa taga-usig ay may reasonable grounds bilang siya ay indirect o co-perpetrator.
Ibinatay ito sa 2019 report na natanggap ng ICC Office of the Prosecutor na nagdetalye sa umano’y panggagahasa ng law enforcement officers sa mga kababaihan na may personal na ugnayan sa mga indibidwal na pinaghihinalaang may kinalaman sa droga—ang ilan sa kanila ay pinatay umano kalaunan.
Bukod dito, iniulat ng U.S State Department na 16 Filipino police officers ang sangkot sa 8 kaso ng rape magmula 2017, na kasagsagan ng war on drugs. Nakapagtala rin ang Center for Women’s Resources (CWR) ng 13 kaso ng pang-aabuso na isinagawa ng mga police officer sa pagitan ng January 2017 at July 2018.
Nakatakda ang susunod na pagdinig ng ICC sa darating na Setyembre.
- Latest