Comelec: Local absentee voting arangkada na
MANILA, Philippines — Arangkada na ngayon ang local absentee voting (LAV) para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang voting period para sa absentee voters ay magsisimula ngayong Abril 28, Lunes, hanggang Abril 30, 2025, Miyerkules.
Kabuuang 57,689 LAV applications ang inaprubahan ng Comelec kabilang ang 1,005 media personnel; 29,030 mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF) at Philippine Navy (PN) habang 23,448 sa Philippine National Police (PNP).
Mayroon ring 4,206 kawani mula sa Comelec, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ng poll chief na ang voting period para sa absentee voters ay idaraos sa mga lugar ng mga requesting offices.
Para sa media voters sa National Capital Region (NCR), ang mga balota ay idedeliber sa Office of the Regional Election Director (ORED), kung saan din idaraos ang botohan.
Ang mga media naman sa highly urbanized cities na nasa labas ng NCR, ay maaaring makaboto sa tanggapan ng Provincial Election Supervisors sa kani-kanilang lugar.
Samantala, ang mga media para sa iba pang lugar ay maaaring bumoto sa tanggapan ng local Offices of the Election Officers.
- Latest