China, planong kontrolin Kongreso – Alyansa

MANILA, Philippines — Nagbabala ang mga kandidatong senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes na may tangka ang Beijing na kontrolin ang Kongreso sa darating na midterm elections sa Mayo sa pamamagitan ng mga kandidato nitong maka-China, kasabay ng kanilang panawagan sa mga Pilipino na tutulan ang anumang dayuhang panghihimasok sa halalan at piliin ang mga lider na handang ipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas.
Sa isang press conference, sinabi ng nangungunang senatoriable na si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na totoo ang dayuhang panghihimasok at organisado pa na ang target ay makabuo ng Kongresong kakampi ng China at hindi ang interes ng Pilipinas ang isinusulong.
“Obviously, ang lumalabas, parang gusto ng China ay Chinese-controlled Senate, Chinese-controlled House of Representatives,” ani Tulfo.
“Kaya nasa kamay po ng tao, ng Pilipino, ng mga botante natin. If you want a Chinese-controlled Senate and House of Representatives, then alam niyo na ho what’s going to happen,” babala niya.
Ayon kay Tulfo, hindi lang basta fake news ang ginagawa ng China kundi may kasamang espiya, paniniktik, at psychological operations.
Siniguro naman ni dating DILG Sec. Benhur Abalos na solid ang buong hanay ng Alyansa sa paninindigang maka-Pilipinas.
“Malinaw sa lahat na ang team ng Alyansa ay pro-Philippines. Importante ang sovereignty—ang soberenya ng Pilipinas,” saad ni Abalos.
“Kaya nga importante sa mga nakikinig ngayon, pakinggan niyo maigi ang plataporma ng Alyansa. Lahat po ito ay pro-Philippines,” dagdag niya.
- Latest