Pangulong Marcos: Pakikialam ng China sa 2025 polls, imbestigahan

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa ulat ng National Security Council (NSC) na may “indikasyon” na nagtatangkang makialam ang China sa darating na eleksyon ?sa Mayo 12.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na ang nasabing ulat ay lubhang nakakaalarma, kaya pinapaimbestigahan ng Pangulo kung ano pa ang nakapaloob sa isyung ito.
‘Ito po ay talagang nakakaalarma—sa utos na rin po ng ating administrasyon na imbestigahan nang malalim para malaman po natin kung anuman ang katotohanan patungkol po dito,” pahayag pa ni Castro.
Itinanggi naman ng China ang mga ulat na makikialam sila sa 2025 midterm elections sa Pilipinas.
“We have no interest in interfering in Philippine elections,” ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Guo Jiakun noong Huwebes.
Ayon naman kay Senate President Pro-Temporè Jinggoy Estrada, kahit pa itinanggi na ng China ang akusasyon, dapat pa ring magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ipinaalala ni Estrada na minsan nang nabudol ang gobyerno ng isang Alice Guo na nahalal sa isang lokal na posisyon kahit isang Chinese citizen.
Anumang potensyal na banta sa seguridad at panghihimasok ng dayuhan sa May 12 midterm elections ay isa anyang seryosong pagsuway sa pambansang soberanya at sa integridad ng electoral process.
Sinabi naman ni dating senator Panfilo “Ping” Lacson na nakakatakot ang nabunyag na tangkang manipulasyon ng China sa magiging resulta ng eleksiyon kung saan papapanalunin umano ang mga kandidatong pro-China.
Ang nasabing isyu ay hindi umano dapat isantabi pagkatapos ng eleksiyon.
- Latest