PNP Maritime Group, PCG pinabubuhusan ng pondo
MANILA, Philippines — Dapat buhusan na ng pondo ng gobyerno ang Philippine Maritime Group ng Philippine National Police at ng Philippine Coast Guard (PCG) bilang tugon sa lumalawak na banta ng China na gumagamit na rin ng troll farms sa panghihimasok sa Pilipinas.
Ayon kay dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos Jr., malaking bansa ang China at maliit lamang ang Pilipinas kaya dapat buhusan ng pondo ang mga nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas.
“Kaya dapat pondohan natin ng husto. This is for our own good…not only about China. Pangalawa mayroon kami noong ako pa ang DILG (secretary) mayroon kaming PNP maritime, buong bansa yun…dito na lang natin ibuhos ang resources,” ani Abalos.
Ipinaalala pa ni Abalos na napakamahal ng gasolina na kailangan para sa pagbabantay sa mga karagatan ng Pilipinas.
Idinagdag din ni Abalos na dapat ring matiyak na ipinatutupad ang mga batas tungkol sa “sea lanes” ng Pilipinas na ipinasa upang mabigyan ng proteksiyon ang interes ng bansa.
Sinabi rin ni Abalos na hindi dapat kalimutan ang tulong para sa mga mangingisda na unang naaapektuhan sa pambu-bully ng mga malalaking sasakyang pandagat ng China.
- Latest