‘Alyansa’ naalarma sa pakikialam ng China sa May elections
MANILA, Philippines — Ikinabahala ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas ang pahayag ng National Security Council na may mga indikasyon na posibleng makialam ang China sa papalapit ng halalan sa Mayo 12.
“Kaisa ng sambayanang Pilipino ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Tayo lamang ang may karapatang humubog sa ating kinabukasan,” ani Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Senate slate na suportado ng administrasyon.
Base sa mga ulat, may pinaplanong mga online disinformation campaign at palihim na pagsuporta sa ilang kandidato, mga hakbang na itinuturing ng marami bilang banta sa pambansang integridad.
Ayon sa Alyansa, na nagpapatakbo ng 11 kandidato sa pagka-senador na pawang sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lubhang nakakaalarma at nakababahala ang mga nasabing ulat at dapat bantayan at harapin nang may paninindigan.
“Lubhang nakakaalarma at nakababahala ang pagbubunyag ng matataas na opisyal sa seguridad ng bansa ukol sa posibleng panghihimasok ng mga banyaga sa nalalapit na halalan,” ani Tiangco.
Binigyang-diin ng Alyansa na hindi maaaring kuwestyunin ang karapatan ng bawat Pilipino na makapamili ng kanilang mga lider nang malaya at walang impluwensiya mula sa labas.
Sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Alyansa senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, inilahad ng mga opisyal na umano’y kinontrata ng Chinese Embassy sa Maynila ang isang lokal na kompanya upang magpatakbo ng troll farm na nagkakalat ng propaganda at pumipinsala sa institusyon ng Pilipinas.
Giit ng Alyansa, hindi ito basta isyu ng politika kundi isang usapin ng soberanya. Nanawagan ang koalisyon sa mga kinauukulan na agad kumilos, papanagutin ang mga may sala, at tiyaking mananatiling sagrado ang halalan.
- Latest