Palasyo kay VP Sara: ‘Wag maging anay sa lipunan

MANILA, Philippines — Pinagsabihan ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte na suportahan ang kapwa Pilipino at huwag maging anay sa lipunan at crab mentality o utak-talangka.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang tunay na lider at tunay na Pilipino ay dapat sumusuporta sa kapwa Pilipino lalong-lalo na sa pinuno ng bansa para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga hangarin para sa taumbayan.
Ang reaksyon ng Malakanyang ay kaugnay sa pahayag ni VP Duterte na ang hakbang ng pamahalaan para sa pagbebenta ng P20 kilo ng bigas ay para sa panibagong election promise na maisulong ang kanyang senatorial candidates na manalo at binubudol lang nito ang taumbayan.
Paliwanag ni Castro, matagal na nilang iniisyu na hindi kakayanin ng Pangulo ang hangarin na magkaroon at magdeliber ng bigas sa halagang P20 kada kilo at ngayon na natutupad na ito ay muli silang nagsasalita ng negatibo.
Kaya ngayon lamang naipatupad ng Pangulo ang pangakong P20 kada kilo ng bigas ay dahil pinag-aaralan pa umano ito kung paano maipapatupad kaya dapat magpunyagi at sabihin na isang tagumpay ito ng pamahalaan para sa taumbayan.
- Latest