Pinoy troll farms, kumukubra sa Chinese Embassy
MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang troll farm operations na pinopondohan ng China upang siraan hindi lamang ang mga personalidad na itinuturing na anti-China at makabayan kundi maging ang gobyerno at ang Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Admiralty and Maritime Zones, ipinakita ni Tolentino ang kontrata ng Chinese Embassy sa InfinitUs Marketing Solutions, Inc. para sa operasyon ng mga keyboard warriors na pirmado noong Agosto 2023.
Iprinista rin ni Tolentino ang isang tseke na nagkakahalaga ng P930,000 na kabayaran ng Chinese Embassy sa serbisyo ng InfinitUs.
Ayon sa senador, ilan sa mga naging trabaho ng mga keyboard warriors ang magkomento sa mga social media posts at magpakalat ng mga impormasyon pabor sa China.
Tinukoy ni Tolentino na aktibidad ng troll farms ang pagbanat sa mga batas at polisiya kaugnay sa West Philippine Sea gayundin ang pag-upak kay Pangulong Bongbong Marcos.
May mga operasyon din ang mga keyboard warriors laban kay Cong. Ace Barbers matapos maglabas ng mga pahayag kontra China.
Binigyang-diin ni Tolentino na labis na nakakabahala ang operasyon ng mga keyboard warriors na nagpapanggap na mga lehitimong propesyunal o kaya naman ay mga estudyante o mga ordinaryong mamamayan subalit nagpapakalat ng mga fake news na posibleng paniwalaan ng karamihan.
Iginiit ni Tolentino na hindi dapat magbulag-bulagan ang mga Pilipino laban sa pangungutya ng China na ang layunin ay lumpuhin ang Pilipinas upang hindi maipagtanggol ang sariling teritoryo at soberanya.
- Latest