Lugi ng magsasaka, dapat sagutin ng insurance
MANILA, Philippines — Isinusulong sa Kamara ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Ria Vergara na ipasok sa insurance o bigyan ng pagkakataong mabayaran ng gobyerno ang naluging puhunan ng mga magsasaka na tatamaan ng extreme heat o matinding init ng panahon.
Iginiit ng mambabatas na hindi biro para sa mga magsasaka ang problema sa matinding init sa Pilipinas lalo’t hindi pa naman fully-irrigated ang lahat ng rice fields o mga palayan sa bansa.
Tulad na lamang aniya ang kondisyon ng 3rd district ng Nueva Ecija kung saan mayorya ng mga bayan ay naka-depende sa kita o sigla ng mga bukirin.
Aniya, dapat pagandahin ang agriculture insurance policy sa mga magsasaka.
Sa kanyang huli at pangatlong termino bilang kinatawan ng 3rd Congressional District ng Nueva Ecija, umaasa si Vergara na maipapasa na ang kanyang panukala upang mabigyan ng insurance coverage ang mga magsasakang nakararanas ng krisis sa sakahan.
Umapela rin ito sa National Food Authority (NFA) na lalo pang palakasin ang programa para sa mga magsasaka at siguruhing nabibili ang kanilang mga produkto alinsunod sa naaayon at makatarungang presyo ng palay.
- Latest