10 sundalo ng Philippine Army pinarangalan sa humanitarian mission sa Myanmar

MANILA, Philippines — Pinarangalan ng Philippine Army (PA) ang 10 sundalo na gumanap ng mahalagang papel sa humanitarian mission sa Myanmar matapos na salantain ng magnitude 7.7 na lindol ang nasabing bansa na kumitil ng mahigit 3,000 buhay noong Marso 28.
Si PA Commanding General Lt. Gen. Roy Galido ang naggawad ng Meritorious Achievement Medal sa mga miyembro ng Urban Search and Rescue (USAR) Team na ginanap sa himpilan ng Philippine Army kamakalawa sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Kabilang sa mga pinarangalan sina First Lieutenants Alexis Nocos at Joey Labiang; Staff Sergeants Ricky Ramirez at Jesus Tomas Jr.; Sgt. John Rex Palaruan; Corporals John Paul Kismundo, Jundie Gutierez, Ryan Paul Cabueñas at Alihuddin Hamid; gayundin si Private First Class Elmar Encinas.
Ang mga ito ay pawang mula sa Army‘s 525th Combat Engineer “Forerunner” Battalion, Combat Engineer Regiment na bumubuo sa PH Army USAR Team na idineploy sa Myanmar bilang bahagi ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC).
Nagsagawa ang mga ito ng disaster humanitarian mission sa Myanmar kung saan sinuyod ng mga ito ang nabuwal na Jade City Hotel sa kapitolyong lungsod ng Nay Pyi Taw na nakipagtulungan din sa mga awtoridad sa Myanmar, Vietnam, Indonesia at Singapore sa paghahanap sa mga posible pang survivors.
Bumalik sa bansa ang Phl contingent noong Abril 13 matapos ang 2 linggong humanitarian mission sa Myanmar.
- Latest