Chiz suportado Congressional bet Mayor Legacion sa CamSur 3rd District
MANILA, Philippines — Pormal nang inendorso ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Naga City Mayor Nelson Legacion sa kanyang pagtakbo bilang kinatawan ng 3rd District ng Camarines Sur para sa darating na 2025 elections.
Si Legacion ay tatakbo para palitan si incumbent Congressman Gabriel Bordado Jr., na ngayon ay tumatakbo naman bilang Vice Mayor ng Naga. Si Bordado ay buong pusong sumusuporta rin sa kandidatura ni Legacion.
Bilang kapwa Bicolano at isa sa mga kilalang lider sa rehiyon, sinabi ni Escudero na malaki ang tiwala niya kay Mayor Legacion dahil sa malinis na track record nito bilang lokal na lider at sa dedikasyon nito sa tapat at mahusay na pamamahala.
“Pinakita ni Mayor Nelson kung ano ang itsura ng isang tapat at epektibong pamumuno,” sabi ni Escudero.
“Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nagpatuloy ang Naga City sa pagiging modelo ng good governance at innovation. Naniniwala ako na handang-handa na siyang dalhin ang ganitong klaseng leadership sa Kongreso.”
Si Mayor Legacion, na isang abogado, ay nagsilbi munang Vice Mayor bago naging alkalde noong 2019. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakatanggap ang Naga City ng Seal of Good Local Governance (SGLG) at iba pang parangal para sa transparency, ease of doing business, social services, at public safety. Kilala rin ang kanyang administrasyon sa mga programang inklusibo at pro-komunidad.
Dumating ang endorsement ni Escudero ilang linggo matapos din pormal na i-endorso ni Congressman Bordado si Legacion bilang kanyang papalit sa House of Representatives. Si Bordado ay kakandidato bilang Vice Mayor ng Naga sa ilalim ng ticket ni former vice president Leni Robredo, na tatakbo namang Mayor ng lungsod.
Ang pagtakbo ni Legacion para sa Kongreso ay tinitingnan bilang pagpapatuloy ng Robredo-Bordado reform legacy sa Camarines Sur—lalo na sa Naga, na matagal nang kilala bilang model city pagdating sa participatory governance at innovation.
Sa endorsement mula sa dalawang bigating lider ng rehiyon—Escudero at Bordado—lalo pang lumalakas ang kampanya ni Mayor Legacion habang umiinit na ang halalan sa Camarines Sur.
- Latest