4 nangampanya sa Semana Santa tatalupan ng Comelec

MANILA, Philippines — Iimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ulat na may ilang kandidato ang nangampanya noong Mahal na Araw kahit na mahigpit itong ipinagbabawal.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nasa apat na kandidato ang iimbestigahan nila dahil sa posibleng paglabag sa campaigning ban noong Huwebes at Biyernes Santo.
“Noong Huwebes at Biyernes, meron tayong mga na-monitor,” pahayag ni Garcia.
“Yan ang kaagad nating patitingnan at aalamin sa ating mga local Comelec sapagkat may bago kasi tayong pamamaraan syempre ng pangangampanya,” dagdag pa ng poll chief.
Sinabi ni Garcia na maraming kandidato ang bumaling sa social media upang maging visible sila sa panahon ng campaign ban.
“Naglatag po talaga [ang] madaming kandidato sa social media naman. ‘Yun bang kanilang mga social media accounts, doon talaga sila nagpakilala ng sobra. So ang katanungan ay kung ‘yan ba ay paglabag sa ating pinagbabawal na bawal mangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo,” paliwanag pa ni Garcia.
Una nang sinabi ni Garcia na kabilang sa ipinagbabawal na gawin ay pagbibigay ng mga pagkain at inumin sa mga pabasa.
Bawal din ang pag-organisa ng mga palaro, gaya ng basketball.
Samantala, sinisiyasat na rin umano nila ang umano’y insidente ng pamimili ng boto sa Quezon City, sa pamamagitan ng pamimigay ng card, na tila ATM card.
- Latest