Expert panel iminungkahi para pag-aralan epekto, oportunidad sa bagong U.S tariff
MANILA, Philippines — Sa harap ng mga bagong taripa na ipinataw ng Estados Unidos, dapat maghanda ang Pilipinas sa kagyat na epekto at maglatag ng pangmatagalang programa para sa ekonomiya ng bansa.
Para magawa ito, iminungkahi ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pagbubuo ng isang National Trade Commission na magsusumite ng mga rekomendasyon sa Presidente at Kongreso.
Ani Tolentino, ang panel ay maaaring buuin ng mga eksperto sa kalakalan, pinansyal, at pamumuhunan.
“Ang 17 percent tariff na ipinataw sa ating mga produkto ay may kagyat na epekto sa ating exports, partikular sa electronics at agrikultura,” pahayag ng senador.
Ngunit ipinunto niya na ang dagdag-taripa sa bansa ay lubhang mas mababa kumpara sa ipinataw sa China at iba pang bansa. Kung kaya’t aniya, dapat itong magbunsod sa gobyerno para pag-aralan ang mga oportunidad na maaaring mabuksan sa ilalim ng bagong tariff regime.
“Paghandaan natin ang scenario kung saan maghahanap ng lilipatan ang mga pabrika mula China. Pwedeng iprisinta ang ating export processing zones bilang maayos na destinasyon para sa kanilang pamumuhunan,” aniya.
- Latest