15 patay sa lunod sa Semana Santa — PNP

MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 30 insidente ng pagkalunod, banggaan ng mga sasakyan at iba pang mga sakuna sa gitna na paggunita ng Semana Santa sa bansa.
Ayon sa PNP, hanggang nitong Sabado de Gloria (Abril 19), sa 18 kaso ng pagkalunod na naitala, 15 ang nasawi, 2 ang nasugatan, at 1 ang naiulat na nakaligtas.
Kabilang sa mga biktima ang 9 na matatanda at 9 na menor-de-edad.
Dalawang banggaan naman ng mga sasakyan ang naireport sa Metro Manila at Cagayan Valley.
Tatlong sunog din sa MM, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula at isa pang kaso ng panununog ang naiulat sa Negros Island.
Sa kabila ng mga insidente, naging mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita sa Semana Santa, ayon sa PNP.
Muli namang nagpaalala ang PNP para sa ibayong pag-iingat sa gitna ng dumaraming kaso ng pagkalunod ngayong tag-init.
“Naiintindihan po natin ang kasiyahan na dala ng bakasyon, pero hindi po ito dapat maging dahilan para pabayaan ang kaligtasan, lalo na ng mga bata. Napakasakit po ng mga insidenteng ito—paalala na kahit isang saglit ng kapabayaan ay puwedeng magbunga ng trahedya. Huwag po nating iiwan ang mga bata malapit sa tubig, magsuot ng life vest kung kinakailangan, at iwasan ang paglangoy sa mga lugar na walang lifeguards o safety personnel,” ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil.
- Latest