ICC: Hulyo 1, deadline sa ebidensya vs Duterte

Higit 8K pahina, 16 oras video ihaharap
MANILA, Philippines — Binigyan ng International Criminal Court (ICC) ng hanggang Hulyo 1 ang prosekusyon para magpresenta ng ebidensya na gagamitin para sa confirmation hearing sa Setyembre 23, 2025 ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang kautusan ay nilagdaan ni ICC pre-trial Chamber 1 Judge Julia Antoanella Motoc, Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou, and Judge María del Socorro Flores Liera na sila rin nagtakda ng timeline para sa aktibidad para sa confirmation hearing.
“The Prosecution shall complete the disclosure process by no later than 1 July 2025. This includes all the evidence it intends to rely upon at the confirmation of charges hearing, including the totality of the witness statements and their translations, the exculpatory material that it has identified thus far, and the material falling under rule 77 of the Rules. Any items of evidence submitted after that date will not be taken into account for the purposes of the confirmation of charges hearing,” nakasaad sa kautusan ng ICC.
Nabatid na maghahain ang prosekusyon ng 8,565 pahina ng ebidensya laban kay Duterte sa harap ng ICC.
Sinabi ni ICC Prosecutor Karim Khan na bukod dito, gagamit din ang prosekusyon ng visual at audio evidence; 9 na litrato at halos 16 oras ng video.
Ito ang sinabi ni Khan sa kanyang tugon noong Abril 4 sa mga hukom ng Pre-Trial Chamber tungkol sa pagsasagawa ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso. Isang redacted (may mga bahagi na tinakpan) na bersyon ang isinapubliko noong Abril 15.
Gayunpaman, binigyang-diin ng prosecutor na ang nabanggit na ebidensya ay bahagi lamang ng kabuuang ebidensyang gagamitin sa kumpirmasyon ng mga kaso.
Dagdag pa ni Khan, patuloy pa rin nilang nire-review ang kanilang mga materyales bago iulat ang kabuuang dami ng ebidensya sa korte.
Si Duterte ay akusado para sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya sa war on drugs noong siya pa ang alkalde ng Davao hanggang sa maging pangulo ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Khan na nais nila na magprisinta ng maximum na dalawang testigo para sa viva voce at sa confirmation hearing.
- Latest