Principal na ipapa-pulis magsusuot ng toga sa graduation, binira
MANILA, Philippines — Binatikos ng Kabataan Partylist ang isang principal sa mapanakot na pahayag nito sa mga estudyante na ipapu-pulis umano ang hindi susunod sa pagbabawal sa pagsusuot ng toga sa isang graduation rites sa Antique noong Abril 15 na nag-viral sa social media.
Ayon sa Kabataan Partylist, hindi katanggap-tanggap ang inasal ng principal na si Venus Divina Nietes ng Col. Ruperto Abellon National High School sa nasabing graduation rites na pinagbantaan ang mga graduating students na ipapupulis ang mga hindi magtatanggal ng toga at simpleng school uniform lamang aniya ang pinahihintulutang kasuotan sa graduation sa public schools.
“Hindi po pinapupulis ang mga bata at magulang na nagsasaya lang. Hindi krimen ang malayang pagpahayag at pananamit. Lalala lang ang problema ng bullying at mental health sa kabataan dahil sa pagdidisiplina batay sa bulag na pagsunod. Dapat managot ang principal dito anuman ang abutin ng imbestigasyon ng DepEd,” saad ni Kabataan Partylist National Spokesperson at First Nominee Atty. Renee Co.
Ang insidente ay lumikha ng pagkadismaya sa mga magulang na karamihan ay nagsipag-walkout na sa graduation rites dahilan nais umano ng mga ito na naka-toga ang kanilang mga anak para mas maganda ang souvenir photo.
Kasabay nito, nanawagan si Co na ipasa na ang Student Rights Bill upang hindi madehado ang mga kabataan laban sa mga mapanupil na guro at mga prinsipal.
- Latest