6 sa 10 Pinoy, pabor na litisin si Duterte ng ICC

MANILA, Philippines — Anim sa 10 Pinoy o 62 porsiyento ang naniniwalang mahalagang malitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity kaugnay sa kanyang war on drugs.
Batay sa WR Numero Research Poll, 20 percent naman ng mga respondents ang ayaw na masalang sa paglilitis ng ICC si Duterte habang 19% ang walang desisyon.
Sa naturang survey, 61% ang naniniwalang dapat maimbestigahan at magkaroon ng paglilitis kaugnay ng kaso upang lumabas ang katotohanan hinggil sa drug war killings.
Nais din ng may 61% na mahalagang sumalang din sa ICC trial ang mga kasabwat nito sa kaso.
Nasa 66% naman ng respondents ang naniniwalang dapat iprayoridad din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-imbestiga at paghabol sa mga police officers na umabuso sa kanilang tungkulin noong panahon ng anti-drug campaign ni Duterte habang 18% undecided at 16% ang ayaw dito.
Kalahati ng mga respondents ang may tiwala sa ICC na gagawin nitong patas ang imbestigasyon at paglilitis kay Duterte.
Ang survey questions ay kinomisyon ni Dr. Gary Ador Dionisio at ginawa mula March 31-April 7, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,894 registered voters sa Pilipinas.
- Latest