Fake news, ‘di krimen ugat ng takot sa publiko – Romualdez

MANILA, Philippines — Kinondena ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkalat ng mga pekeng balita at gawa-gawang krimen sa social media na nagdudulot ng takot sa publiko at sumisira sa progresong nakakamit sa pampublikong kaligtasan.
“‘Wag tayong maging tagapagsalita ng kasinungalingan. While real crime is going down, fabricated stories and scripted videos are spreading like wildfire online. Fear is being peddled for clicks and views. That’s not just irresponsible—it’s dangerous,” ani Speaker Romualdez.
Kamakailan ay pinapurihan ni Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mga nagawa nitong reporma sa ilalim ng administrasyong Marcos na nagresulta sa pagbaba ng focus crimes gayundin ang mabilis na pagkakaaresto ng suspek sa road rage shooting sa Antipolo City.
Sa opisyal na datos ng PNP, nagkaroon ng 26.76% pagbaba sa focus crimes—mula sa 4,817 na kaso sa pagitan ng January 1-February 14, 2024, bumaba ito sa 3,528 sa kaparehong panahon ngayong taon. Kabilang sa focus crimes ang pagnanakaw, robbery, panggagahasa, murder, homicide, physical injury, at pagnanakaw ng motorsiklo at iba pang motor vehicle. Sa naturang mga kaso, pinakamalaki ang ibinaba ng mga kaso ng rape na nasa 50%.
Babala ng lider ng Kamara, ang pagpapakalat ng mga video ng pekeng mga krimen at mga hindi maberipikang mga ulat ay nag-aaksaya sa resources ng mga alagad ng batas ngunit nakakasira rin sa tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya sa bansa.
- Latest