Romualdez pinuri PNP sa pagbaba ng krimen

MANILA, Philippines — Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mas matatag at epektibong pagpapatupad ng batas sa ilalim ng administrasyong Marcos na nagresulta sa pagbaba ng bilang ng focus crimes at ang mabilis na pag-aresto sa suspek sa Antipolo road rage shooting.
Binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga repormang nagpabuti sa pagpigil ng krimen at mabilis na pagtugon ng pulisya, na aniya’y nagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at patunay na umiiral ang batas.
Tinutukoy ni Romualdez ang insidente noong Marso 30 sa Marcos Highway, Boso-Boso, Antipolo City, kung saan ang isang mainitang pagtatalo sa kalsada ay nauwi sa pamamaril na ikinasugat ng apat na indibidwal, kabilang ang kasintahan ng suspek.
Nagpasalamat din ang kongresista sa mga pulis sa mabilis na pag-aresto sa itinuturong gunman, ang 28-taong gulang na negosyanteng si Kenneth Alajar Bautista.
Ang mabilis na aksyon sa mga high-profile na insidente tulad nito ay nagpapadala umano ng malinaw na mensahe na walang puwang ang krimen at impunity sa ating lipunan.
Samantala, ang taunang datos ay nagpapakita rin ng 7.31% na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 kaso noong 2023 patungong 38,667 kaso ngayong 2024.
- Latest