Abalos kinondena pagkamatay ng Slovak tourist sa Boracay

MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Benhur Abalos ang malagim na pagkamatay ng 23-anyos na Slovak national na si Michaela Mickova, na natagpuang wala nang buhay sa isang abandonadong kapilya sa Boracay, isa sa pangunahing destinasyon ng mga turista sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Abalos na nananatiling ligtas na destinasyon ang Boracay para sa mga turista. Bihirang-bihira aniya ang ganitong uri ng krimen sa Boracay.
“Safe po ang Pilipinas, lalo na ang Boracay, ngayon lang nangyari ito in so many years,” pagbibigay diin ni Abalos.
“Kakausap ko lang kay PNP Regional Director Jack Wanky, at ayon sa police records, ngayon lang nangyari ang ganitong insidente sa isang turista sa isla,” diin niya.
Bilang dating namuno sa DILG, kung saan nasa ilalim niya ang PNP, tiniyak ni Abalos na masusi ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Western Visayas upang matukoy ang mga salarin sa kaso.
“As far as police records are concerned, this is a very isolated case,” aniya. “Sa tingin ko, ngayon lang talaga ito nangyari sa isang turista. Gusto kong bigyang diin ito dahil ang turismo ay isa sa ating mga lakas bilang bansa. Ayokong ma-overshadow ito ng insidenteng ito.”
Nagpahatid rin si Abalos ng pakikiramay sa pamilya ni Mickova.
Sinabi rin ni Abalos na nakakalungkot ang pangyayari, sabay ang pagtiyak na mareresolba agad ito ng mga awtoridad.
- Latest