Pro-Marcos Pinoys mas marami kaysa Duterte - OCTA

MANILA, Philippines — Mas nakararaming Pinoy umano ang nakasuporta sa administrasyong Marcos kumpara sa mga Duterte at kanilang mga kaalyado sa politika.
Sa pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research noong Enero 25 hanggang 31, 2025, lumitaw na 36% ng adult Filipinos ang sumusuporta sa administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. habang 18% ang pro-Duterte.
Mayroon namang 26% ang nagsabi na wala silang sinusuportahan sa dalawang kampo; 12% ang tumangging sumagot o hindi alam ang sagot sa tanong at walong porsiyento ang nagsabing nakasuporta sila sa oposisyon.
Ang bilang ng Marcos supporters ay bumaba ng 2 puntos mula sa August 2024 report habang bumaba rin ng 3 puntos ang mga pro-Duterte.
Sa kabila nito, sinabi ng OCTA na ang naturang numero para sa mga tagasuporta ng mga Marcos at Duterte ay itinuturing nilang ‘statistically unchanged’ mula sa 3rd Quarter TNM survey noong Agosto 2024 dahil sa margin of error nito.
Ang datos sa survey ay kinalap sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa may 1,200 respondents na nagkaka-edad ng 18-anyos pataas sa buong bansa.
- Latest