Food Security tututukan ng Alyansa
MANILA, Philippines — Itutulak ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na makontrol ang pagtaas ng presyo ng pagkain at food security sa bansa.
Pangunahing tinalakay sa press conference noong Martes ang government intervention sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas at ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Panukala ni dating Senate President Tito Sotto III, dapat gobyerno ang bumili ng 50% na ani ng mga magsasaka ng hindi talo sa presyo, upang ‘di na makapasok ang “middlemen” na lalong nagpapataas ng presyo sa merkado.
Sa panig naman ni dating Senador Manny Pacquiao, itutulak niya ang PDC o Production, Distribution and Consumption para sa mas epektibong ma-regulate ang mga basic commodity.
Nilinaw ni Pacquiao na hindi siya kontra sa pag-aangkat ng pagkain pero dapat gawin ito bilang bahagi ng mga trade agreement at hindi upang punan ang kakulangan ng pagkain sa Pilipinas.
Sina dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ay nababahala sa Rice Tariffication Law (RTL) at ipinanukala na ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan sa pag-aangkat at pagbebenta ng bigas para makontrol ang presyo nito.
Suportado naman ni Deputy Speaker Camille Villar ang pagbibigay ng mga government subsidies at direktang pagbili sa mga ani ng mga magsasaka.
- Latest