DepEd: ‘Ghost students’ sa SHS Voucher Program, iniimbestigahan
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) Central Office ang mga ulat hinggil sa umano’y ‘ghost students’ sa ilalim ng Senior High School Voucher Program (SHS VP) sa 12 private schools.
Sinabi ng DepEd na magsasagawa rin sila ng malalimang pagsisiyasat sa kanilang mga tauhan at mga opisyal na maaaring sangkot sa naturang iregularidad, na maaari anilang magresulta sa terminasyon ng partisipasyon ng paaralan sa SHS VP.
Anang DepEd, bilang bahagi ng marching order ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang pagkakaroon ng transparency at accountability, kaagad silang umaksiyon upang maipreserba ang integridad ng pondo at implementasyon ng programa.
Sinimulan na rin ng DepEd ang pagsasagawa ng mga aksiyon, kabilang na ang paghahanda ng terminasyon ng akreditasyon ng paaralan at pangangalap ng mga ebidensiya laban sa mga responsableng indibidwal.
Inaalam na rin umano ng DepEd ang iba pang maaaring legal na hakbang laban sa mga taong may pananagutan dito, kabilang na ang administrative at criminal sanctions, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Tiniyak naman ng DepEd sa publiko na magkakaloob sila ng kaukulang assistance sa mga maaapektuhang lehitimong estudyante upang matiyak na magpapatuloy ang edukasyon ng mga ito nang walang anumang sagabal.
- Latest