73% ng Pinoy: VP Sara dapat humarap sa impeachment court
MANILA, Philippines — Tatlo sa bawat apat na Pilipino o 73% ang nagsabi na dapat humarap si Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment trial.
Base sa survey ng Tangere, 51% ang sumusuporta sa impeachment, 22% undecided, at 27% tutol. Pinakamalakas ang suporta sa Luzon, partikular sa Metro Manila, Southern Luzon, Central Luzon, at Northern Luzon.
Pinakamalakas naman ang pagtutol sa Mindanao na kilalang balwarte ng mga Duterte.
Kasama sa alegasyon laban kay Duterte ang iregularidad umano sa paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Nasa 51% ang payag na imbestigahan din ang umano’y hindi pagkakatugma sa yaman ng Bise Presidente at kanyang inilagay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), samantalang 33% ang tutol dito.
Nasa 4-5 sa bawat 10 rehistradong botante ang nagsabi rin na malamang iboto nila ang mga senatorial candidate na sumusuporta sa impeachment laban kay Duterte.
Samantala, 25% ang hindi boboto sa pro-impeachment candidate at ang nalalabi ay wala pang desisyon.
Ginawa ang survey mula Pebrero 10-12 at kinuha ang opinyon ng 2,400 respondents gamit ang mobile-based platform.
- Latest