Bong Go sa DOH: Bakuna vs rabies, tiyaking sapat
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang Department of Health (DOH) na tugunan ang mga ulat na kakulangan ng bakuna laban sa rabies sa buong bansa, lalo’t tumaas ang kaso ng pagkamatay kaugnay nito.
Ikinabahala ng senador ang pangamba sa accessibility at affordability ng anti-rabies treatment, partikular sa mga nasa malalayong lugar.
“Nakausap ko ang mga mayor, kulang daw ‘yung rabies vaccines ng DOH,” sabi ni Go.
Ang rabies ay isang viral disease na umaatake sa central nervous system, at nagiging sanhi ng pamamaga ng utak. Kapag lumitaw ang mga klinikal na sintomas, ang sakit ay nakamamatay.
Ayon sa World Health Organization (WHO), napakataas ng fatality rate ng rabies kapag hindi naagapan. Ang agarang post-exposure prophylaxis (PEP), kabilang ang serye ng mga pagbabakuna sa rabies at kung kinakailangan, rabies immunoglobulin, ay epektibong makapipigil sa pagkalat ng virus.
Binigyang-diin ni Senator Go na dapat apurahin ang pagtiyak sa pagkakaroon ng mga bakunang nakapagliligtas-buhay.
Bagamat nagbibigay ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng libreng bakuna sa rabies sa mga pasyenteng nagpapagamot sa kanilang mga pasilidad, ang mga kakulangan sa suplay sa mga lokal na sentrong pangkalusugan ay nananatiling hindi nareresolba.
- Latest