55% ng party-list ‘di para sa mahihirap

MANILA, Philippines — Nasira na umano ang hangarin ng Party-List Law dahil kalahati ng mga party-list ay hindi kumakatawan sa mahihirap.
Ginawa ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pahayag matapos matuklasan ng grupong Kontra Daya na ang mga nanguna sa survey ay mistulang na-hijack na ang party-list system.
Sinabi ni Kontra Daya convenor Danilo Arao na 86 o 55.13% ng 156 party-list groups ay kabilang sa political dynasties, malalaking negosyo, pulis at militar; may mga nakabinbing kaso ng katiwalian; may kahina-hinalang adbokasiya; o hindi nagbibigay ng sapat na impormasyon sa publiko tungkol sa kanilang mga grupo.
Mas mababa ito kumpara sa 70% noong 2022 elections. Gayunpaman, 40 sa 156 partylist na kwalipikadong tumakbo ngayong Mayo ay may political dynasty links kumpara sa 43 sa 177 noong 2022 elections.
Sinabi ng executive director ng Center for People Empowerment and Governance (Cenpeg) na si Natalie Pulvinar na ang mga nominado ay parang nagmula sa political dynasties, retired government officials, at mayayamang negosyante, na nagpapakita na nangingibabaw ang mga elite at hindi pagsusulong ng interes ng mga mahihirap.
Panawagan nila, ibalik ang orihinal na layunin ng Republic Act A 7941 (An Act Providing for the Election of Party-List Representatives..) upang matiyak ang representasyon para sa mga marginalized at underrepresented na sektor.
Sinabi ni Arao na dapat hamunin ng constitutional at legal experts ang desisyon ng Korte Suprema noong 2013 na nagrebisa sa naunang desisyon, at pinahintulutan ang mga political parties at groups lumahok sa party-list elections kahit hindi kumakatawan sa mga marginalized at underrepresented sectors.
“Any such review should begin by identifying what are sectors that comprise Philippine Society today that need representation in Congress?” ani Escudero.
Sinabi rin ni Escudero na dapat kumpleto ang nasabing listahan at isama ang mga sektor na dapat talagang kabilang.
- Latest