Bong Go ‘di natitinag sa senatorial surveys
MANILA, Philippines — Labis na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino sa patuloy na ibinibigay na pagtitiwala at suporta sa kanya dahil sa pananatili niyang isa sa nangungunang kandidato sa pagkasenador para sa darating na halalan, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Si Senator Go ay kabilang sa statistical top three sa nakuha niyang 58 percent voter preference sa Tugon ng Masa survey na isinagawa mula Enero 25 hanggang 31.
Nagpapakita ito na malakas ang suporta ng publiko para sa kanyang hands-on governance approach at grassroots initiatives.
Si Go ay paborito rin sa nangungunang pagpipilian sa pinakabagong senatorial preference survey Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS).
Sa survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Enero 18-25, 2025, si Go ay nasa ika-2 hanggang ika-3 puwesto sa nakuhang 50.4% suporta ng mga botante. Sa survey naman ng SWS sa parehong panahon, pumuwesto siya sa ika-3 hanggang ika-4.
Kilala sa kanyang adbokasiya sa healthcare at grassroots assistance programs, nangako ang senador na patuloy na isusulong ang mas marami pang pro-poor programs sakaling mabigyan ng panibagong termino sa Senado.
“Kung papalarin at mabigyan muli ako ng pagkakataon na maglingkod sa Senado, ‘more service’ pa at pro-poor programs ang ating isusulong at pagtitibayin. Mas ilalapit natin ang serbisyo sa tao lalo na sa mahihirap na walang pinipili o kinikilingan,” ayon sa senador.
Ayon kay Go, ang kanyang etika sa trabaho ay isa sa pinakamahusay na kontribusyon na maibibigay niya sa sambayanang Pilipino.
- Latest