Oplan Baklas sinimulan na ng Comelec

MANILA, Philippines — Pormal nang sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang ‘Oplan Baklas’ o crackdown laban sa illegal campaign materials ng mga kandidato dakong alas-4:00 ng madaling araw kahapon.
Kasabay na rin ito nang pormal nang pag-arangkada ng campaign period para sa national elections kahapon.
Mismong si Comelec Chairman George Erwin Garcia at iba pang opisyal ng poll body ang nanguna sa operasyong isinagawa sa Tondo, Manila.
Ayon kay Garcia, “Ito po ay napakalaking simbolismo, at ito ay para sa buong bansa, upang ipakita sa mga kandidato, sa mga political parties na sa mga susunod na araw, ‘pagka nagkabit sila doon sa mga lugar na hindi dapat sila nagkakabit, tatanggalin at tatanggalin namin.”
Aminado naman si Garcia na hindi nila maaaring alisin ang mga campaign materials na nakapaskil sa private properties dahil ang mga ito ay protektado aniya ng karapatan ng mismong may-ari ng naturang ari-arian.
Itatago rin aniya nila ang mga nakumpiskang posters at gagamiting ebidensiya sa gagawing paghahain ng kaukulang mga kaso.
Pinaalalahanan ni Garcia ang mga kandidato na sundin ang tamang sukat ng mga campaign materials at ipaskil sa designated common poster areas upang makaiwas sa parusa.
Hindi pa naman inaalis ng Task Force Oplan Baklas ang mga campaign materials para sa lokal na kandidato dahil ang campaign period para sa mga lokal na kandidato ay magsisimula pa lamang sa Marso 28.
Mahigpit din ang paalala ng Comelec na ang isang political party candidate ay maaari lamang gumastos ng P3 kada registered voter at P5 kada registered voter para sa mga walang political party.
Nagbabala rin si Garcia na ang mga mapapatunayang nakagawa ng election offense ay maaaring madiskuwalipika sa halalan at makulong ng hanggang anim na taon.
Ang campaign period para sa national at local positions ay nakatakdang magtapos sa Mayo 10, 2025, dalawang araw bago ang mismong araw ng halalan sa Mayo 12.
- Latest