15 milyong solo parents bubuhusan ng suporta - Rep. Herrera

MANILA, Philippines — Isinusulong ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang pagpapalawig pa ng mga benepisyo at ang oportunidad na pang ekonomiya para sa 15 milyong solo parents sa buong bansa.
Kasabay nito nanawagan din si Herrera na kilala bilang “Solon ng Solista” at pangunahing may akda ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act, ng mas malaliman at agarang hakbang upang tugunan ang mga pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga solo parents sa bansa.
“Solo parents are an integral part of our society, but they often carry the heaviest burdens with little help. It’s time to provide them with the tools they need to succeed and thrive,” ayon pa kay Herrera.
Iginiit din ni Herrera ang pangangailangan na palakasin ang mga subsidiya sa pinansyal, mapabuti ang access sa pabahay, at bigyang-prayoridad ang mga serbisyong mental health para sa mga solo parents at kanilang mga anak.
Isinusulong din ni Herrera ang mga flexible work arrangements para sa mga solo parents, mga programa ng pagsasanay sa kabuhayan upang mapalakas ang kakayahang kumita, at mga workshop sa financial literacy upang matulungan ang mga solo parents sa epektibong pamamahala ng kanilang mga yaman.
Sa isang serye ng mga konsultasyon, nakipagkita si Herrera sa mga solo parents mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang marinig ang kanilang mga saloobin nang direkta.
Hinikayat din ni Herrera ang Kongreso, mga ahensya ng gobyerno, at mga pribadong organisasyon na magkaisa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga solo parents.
Ayon pa sa mambabatas, ang pagpapalakas sa mga solo parents ay kritikal sa kaunlaran ng bansa.
- Latest