DOLE: 2025 NLE, lilikha ng trabaho sa mga Pinoy
MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na ang nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE) ay lilikha ng mas maraming job opportunities para sa mga Pinoy.
“The DOLE will always expect that the continued employment of Filipinos can be sustained. Alam natin na mayroong mga activities, especially ang ating mga exercises related to political exercises, makakatulong sa pagdagdag ng mga hanapbuhay,” ani Laguesma, nang matanong sa isang pulong balitaan, kung paano mapapanatili ng pamahalaan ang good unemployment rate mula Disyembre 2024 hanggang sa unang bahagi ng 2025.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Laguesma na hindi nila iniaasa lamang sa nalalapit na halalan ang kasalukuyang unemployment rate ng bansa.
Sa halip, nakatutok aniya sila sa kanilang Labor and Employment Plan 2023-2028, kung saan ang pamahalaan ay taunang nagsasagawa ng monitoring sa mga emerging occupations at naghahanap ng mga pamamaraan upang matulungan ang labor market na makapag-adjust sa global changes at development.
Iniulat din naman ni Laguesma na ang mga foreign trips ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ay nakapag-generate ng 201 investments na nagresulta sa mga proyektong may kinalaman sa power at renewable energy sectors, electronics at manufacturing, na nagkakahalaga ng P4 trilyon.
Nabatid na ang unemployment rate ng bansa ay nasa 3.1% noong Disyembre 2024, habang ang overall unemployment rate para sa taon ay nasa 3.8%, na pinakamababang naitala simula noong 2005.
- Latest