P200 dagdag-sahod sa mga manggagawa suportado ng party-list group
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang isang party-list group sa pagpasa ng House Bill No. 11376 na nagtatakda ng P200 across-the-board daily wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay GP (Galing sa Puso) Party-list first nominee Atty. JP Padiernos, isa sa matagal nang ipinaglalaban ng kanilang grupo ang kapakanan at nakabubuhay na kabuhayan at sahod para sa mga Pilipinong manggagawa kaya naman isang malaking hakbangin ang pagpasa ng naturang panukala.
“Ngayon at higit kailanman ay tumitindig kami kasama ang mga manggagawang Pilipino at sumusuporta sa nakatakdang pagtaas ng daily wage hike sa P200 para sa mga private sector workers,” sabi ni Padiernos.
Dinagdag pa niya na ang pagtaas ng sahod ay isang paraan upang kilalanin ang kasipagan at dedikasyon ng mga manggagawang Pilipino. Bukod dito, pinabulaanan din niya ang magiging malaking epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
“Makatutulong din ang pagtaas ng sahod sa ekonomiya ng Pilipinas dahil mapapalakas nito ang kakayahan ng pagbili ng mga Pilipino,” sabi niya.
Base sa Philippine College Foundation, ang tipikal na pamilyang Pilipinong binubuo ng 5 miyembro ay nangangailangan ng P1,160 sa isang araw at P25,226 sa isang buwan upang mabuhay.
Sinabi naman ng IBON Foundation noong 2024 na ang minimum wage sa mahigit 17 rehiyon ng Pilipinas ay nananatiling kulang upang matustusan ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino sa pagkain at iba pang pangangailangan sa kabila ng mga naunang pagtaas nito.
“Naniniwala ang aming grupo na ang nakabubuhay na sahod ay inuudyok ang mga manggagawa na mas maging produktibo at tapat na siyang magiging sangkap upang magkaroon ng matibay na ekonomiya ang ating bansa.” dagdag pa ni Padiernos.
Ang House Bill No. 11376 o ang “Wage Hike For Minimum Wage Workers Act” ay nagtatakda ng dagdag na P200 sa daily rate ng lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor anuman ang kanilang employment status.
- Latest