Bagong PhilHealth chief gagamutin mga ‘sakit’ ng ahensiya

MANILA, Philippines — Nangako si bagong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado na gagamutin ang mga sakit ng ahensya.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Mercado na pangunahing utos sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ayusin at palawakin pa ang pagbibigay serbisyo ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
Matatandaan na itinalaga ni Marcos si Mercado kapalit ni dating PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr.
Partikular na tututukan ni Mercado ang benefits management, claims processing, at financial reporting.
“Ako bilang manggagamot, parang tinitingnan ko rin po ang PhilHealth na may sakit at inaalam ko rin po, ano iyong lunas,” sinabi pa ni Mercado.
Sa ngayon ang unang kailangan aniyang gawin ay araling mabuti kung ano ang prosesong kailangang baguhin para sa direktiba ng Pangulo na tuluy-tuloy na serbisyo at pagpapalawig sa mga benepisyo ng PhilHealth.
Tututukan din aniya ni Mercado ang digitalization sa PhilHealth para mapipigilan ang pag-abuso sa pondo ng bayan at matiyak na nagagamit ito sa pagpapagamot ng bawat Filipino.
Si Mercado ay isang US-trained orthopedic surgeon na may 35 taong karanasan sa hospital management.
- Latest